SA halip na magkuyakoy at magkamot ng ulo tulad ng ngoyngoy na dating nasa Palasyo, tumungo muli si Pangulong Duterte sa lalawigan para bisitahin ang ilang sugatan na sundalo.
Habang nabibilad sa harap ng kamera ng news media ang ilang pesteng pulis na sumisira sa Philippine National Police, nakikipaglaban naman ang mga naturang kawal sa mga terorista sa malayong kagubatan.
Dinalaw ni Manong Digong sa Camp Siongco Hospital sa Awang, Maguindanao at ginawaran ng medalya ng Wounded Personnel Medal ang 12 kawal na sugatan sa engkwentro laban sa mga bandido sa Barangay Saniag at Barangay Salman sa Ampatuan.
Nabibilang ang 12 sa 64th Division Reconnaissance Company at 2nd Mechanized Infantry Battalion.
Diyan makikita ang tunay na liderato ng isang Commander-in-Chief ng Armed Forces na nagpapahalaga sa kabayanihan ng mga sundalo.
Kung hindi pa tinungo ni Manong Digong ang mga wounded soldier, hindi pa natin matutunghayan ang sakripisyo at katapan nila sa tungkulin.
Tinitiyak ko na nakararami ang mga ganyang sundalo at maging sa Philippine National Police na nababahiran ng masamang gawain ng iilang bugok na opisyal at snaa rank and file.
Inaasahan nating magpapatuloy ang pagkilala ng administrasyong Duterte sa mga kawal na tumutupad nang tapat sa tungkulin.
Hindi nakapagtataka na tumaas ang morale ng kasundaluhan ng AFP. DEADSHOT/ERWIN TULFO
