DAHIL sa mga ipinakitang tatag sa pagpapatupad ng mga pagbabago sa Bureau of Customs, nakuha ni Commissioner Ruffy Biazon ang suporta ng Federation of Philippine Industries kaya naman sinabi ng mga ito na hindi nagkamali si Pangulong Benigno Aquino III sa pagpili sa nasabing opisyal.
Totoo naman na si Biazon, tulad ni Pangulong Noynoy, ay matapat na tao. Hindi lang sa kanyang trabaho, kapwa, bayan at bansa kundi higit sa lahat ay sa kanyang sarili. Ayaw niyang masira ang tiwala sa kanya ng Palasyo kaya naman tinutupad niya ang tungkulin na iniatas sa kanya.
Suportado ng FPI si Biazon bagama’t ginigiba ito ng ilang politiko dahil sa pagiging tapat nito sa tungkulin at sa bayan. Pero, ano naman ang kinalaman ng mga politiko na gumigiba kay Biazon?
Ang ilan sa kanila ay financier ng smugglers o may kamag-anak o kaibigang smugglers na pinakikinabangan sa kandidatura o kanilang pamamalakad sa pulitika. Sila ang mga nasagasaan sa mga pagba-bagong ipinatutupad ni Biazon. May binabata rin ang mga politiko dahil sa laki ng kita sa katiwalian sa BOC.
Hindi naman itinatanggi ni Biazon na may mga pagkukulang siya bilang pinuno ng tanggapan dahil hindi nga naman siya si “Superman” na kayang gawin ang lahat. Naniniwala siya na maisasagawa lang nang lubusan ang pagbabago sa BOC na kilala na pinakatiwali kung ang lahat ng tao na nandoon ay makikiisa sa programa ng pagbabago na ipinatutupad ng administrasyong Aquino.
Sa tingin ng mga tao, lalo na ang hindi naniniwala sa kakayahan ni Biazon, hindi kaya nito ang trabaho sa BOC dahil sa magandang pag-uugali at nais mapagbigyan ang lahat ng mga lumalapit sa kanya. Ngunit maling-mali sila dahil ma-amo man ang mukha ni Biazon, matatag naman ang kalooban nito. Utak ang ginagamit niya sa pagde-desisyon at hindi ang puso.
Ilang politiko na ang tinabla ni Biazon sa kanilang mga negosyo sa BOC kaya galit ang mga ito sa kanya dahil hindi napagbigyan ang hiling nilang kaluwagan upang makalusot ang kanilang kontrabando. Kaya gumaganti ang mga ito.
Maraming paraan ang mga politiko upang ipagpatuloy ang mga katiwalian sa gobyerno na isa sa pilit na binabago ni PNoy. Kaya nga naisip ni Biazon na sana ay ipasa sa Kongreso ang batas na nagbabawal sa mga tauhan ng BOC na magkaroon ng koneksyon sa mga politiko. Hindi pwede ang rekomendasyon sa pag-aaplay at promosyon sa trabaho kundi mas dapat tingnan at aralin ang kakayahan at abilidad.
Tama lang naman na kahit saang tanggapan ay ipagbawal ang palakasan, hindi dahil bata-bata o kamag-anak ng politiko o sinoman ay pwede nang magtrabaho sa pamahalaan.
