ALAM ba ninyong dumarami nang employment agency ang nagsasara?
‘Yun bang === nag-stop na sa pagrerekluta ng mga obrero para sa mga pabrika, opisina at iba pang nangangailangan ng mga obrero sa iba’t ibang bahagi ng mahal kong Pinas.
Nagaganap ito dahil sa anti-contractualization na patakaran ng pamahalaang Duterte.
PANGLOKAL
Sa dumarating na balita sa ating pahayagan, karaniwang ang mga panglokal o pang-Pilipinas lang na employment agency ang nagsasara.
May direktiba na kasing bawal nang sumali, maging sa mga job fair ang mga employment agency.
Kung may employment agency man na hindi ginagalaw ng pambansang pamahalaan o pinagbabawalan, walang iba kundi ang mga PESO o Public Employment Service Office ng mga lokal na pamahalaan mula sa mga munisipyo, lungsod hanggang sa lalawigan.
PANGDAYUHAN
Wala naman tayong gaanong nababalitaang nasasagasaan sa mga sumasali sa pangdayuhang na empleyo ukol sa kontraktuwalisasyon.
Ito’y sa kabila ng pagsali ng ilan sa mga ito para sa lokal na empleyo pabor sa mga overseas Filipino worker na ayaw nang bumalik sa abroad at naghahanap na ng lokal na trabaho.
Tinatamaan lang sila ng pagbabawal na sumali sa direct hiring sa pandayuhang empleyo.
Kung hindi naman ay nasasagasaan sila ng mga government to government na usapan sa trabahong abroad gaya ng nangyari sa Korea at iba pang bansa.
DIRECT HIRING
Isinusulong na ng pamahalaang Duterte ang direct hiring sa mga lokal na empleyo at taliwas ito sa patakarang kontra-direct hiring na pang-OFW.
Ibig-sabihin nito, dapat wala nang daraan sa mga employment agency at sa halip ay dumiretso na lang ang mga aplikante sa mga pabrika, opisina at iba pang nangangailangan ng trabaho.
Hindi lang ‘yan.
Sa direct hiring, inaasahang hindi na paiiralin ng mga employer ang 555 o tuloy-tuloy o walang katapusang tiglilimang buwang empleyo na anyo talaga ng kontraktuwalisasyon.
Sa 555, kada limang buwan ay sinisibak at nire-renew ang kontrata sa empleyo.
Kasabay nito ang pagsasamantala na rin sa mga manggagawa gaya ng hindi pagre-remit ng kontribusyon ng mga ito sa Social Security System, Philhealth at Pag-IBIG.
IN-HOUSE AGENCY
Bagama’t nagsasara na ang mga maliliit na employment agency, walang lumalabas na balita ukol sa mga in-house na employment agency ng mga malalaking kompanya, mall at marami pang iba.
Naging talamak, sa totoo lang, ang pagkakaroon ng mga in-house na employment agency.
At dito kitang-kita o buhay na buhay rin ang kontraktuwalisasyon. At ang totoo, ang mga may-ari o kasosyo ng mga malalaking kumpanya gaya ng mga mall at higanteng pabrika ang may-ari rin sa mga in-house na employment agency.
Dito nagaganap ang doble lantak ng mga employer sa mga manggagawa.
Kumikita na sila sa pagkaltas sa sahod ng mga obrero, mababa pa ang pasahod sa mga obrero.
Eh, ano kung may kakompetensya sila sa negosyo?
May kita naman sila sa bisa ng mga in-house employment agency. At ang in-house employment agency ay nagsusuplay na rin ng mga manggagawa sa iba pang mga kumpanya.
Tanong: Nabubuwag na rin ba ang in-house employment agencies?
KONTRAKTUWAL NG PAMAHALAAN
Isa sa mga hindi gaanong napapansin ang anyong kontraktuwalisasyon na ginagawa rin ng pamahalaan.
Kung susumahin ang bilang ng mga “kontraktuwal” sa pamahalaan, anak ng tokwa, libo-libo ang mga ito.
Sa kabila ng tagal na nila sa empleyo sa pamahalaan, marami sa mga obrerong kontraktuwal ang nananatiling casual, at iba pa at sumasahod ng maliit.
Kasama sa mga kontraktuwal ang mga nagtatrabaho nang 555 din sa mga lokal na pamahalaan.
Marami ring nars at midwife ang iniempleyo ng isang taon lamang at pagkatapos nito ay sinisibak na sila at pinapalitan ng iba.
Ang masakit, umiiral ang kamag-anak system at may mga nanunuhol para makapasok sa trabaho.
MAYO 1, 2017
Kahapon ay ginunita ng buong bansa ang Araw ng mga Manggagawa.
May mga depekto man ang patakarang anti-kontraktuwalisasyon na patakaran ng pamahalaan, ang totoo ay unti-unti nang nakatutulong ito para mapatatag ang trabaho ng mga obrero.
At ang katatagan sa trabaho ay nagbubunga na ng pagkamit ng mga obrero ng mga benepisyo para sa SSS, Philhealth at Pag-ibig.
Hindi man gaanong naitataas ang sahod ng mga obrero, malaking bagay ang katatagan sa trabaho at istriktong pagbabantay at pagtitiyak ng pamahalaan ukol sa mga benepisyo nila sa SSS, Philhealth at Pag-IBIG,
Hindi ba magandang balita ito sa mga obrero ngayong Mayo 1?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
