HINDI maipagkakailang putok na putok ang balitang sa warehouse ni Richard Tan sa Valenzuela City nabawi ang 604 kilong shabu na P6.4-bilyon ang halaga.
Ang napakalaking halaga ng shabu ay dumaan sa Bureau of Customs makaraang palusutin ito sa “super green lane” noong Mayo.
Nagkaroon ng malaking pagdududa ang media at mga mambabatas, sapagkat hindi nila matanggap na dumaan ang P6.4-bilyong shabu sa super green lane na ang ibig-sabihin ay hindi pwedeng sitahin at busisiin kahit na sinong opisyal sa BOC – kahit pa si Commissioner Nicanor Faeldon – kung walang kumita rito ng milyon-milyon.
Sa P6.4-bilyon, hindi kasama ang P22.5-bilyong shabu sa mga warehouse ni Richard Tan na kasabay na lumusot ng P64.5-bilyong shabu, ibinunyag ng isang mambabatas sa pagdinig ng Committee of Ways and Means ng Kamara del Representantes hinggil sa kademonyohang naganap sa BOC.
Ang pagkakatunton ng shabu sa Valenzuela ay hindi ang unang pangyayari.
Bago italaga si Sr./Supt. Ronaldo Mendoza bilang hepe ng Philippine National Police sa Valenzuela City noong Hulyo 2016, P200-milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang warehouse sa Barangay Lawang Bato noong Enero 2016.
Sa parehong buwan, mayroong milyon-milyong halaga ng shabu ang nakumpiska sa isang laboratoryo ng shabu sa Barangay Lingunan kung saan namatay ang druglord na may-ari ng nabanggit na laboratoryo na si Ray Mao “Meco” Tan nang lumaban sa mga awtoridad.
Noong Oktubre 2014 ay may nadiskubre ring laboratoryo ng shabu sa Rincon Industrial Subdivision sa Barangay Rincon.
Sa interbyu kay Senior Supt. Mendoza, idiniin nitong ginagampanan ng PNP – Valenzuela ang kanilang tungkulin at misyon laban sa lahat ng uri ng kriminalidad, lalo na sa iligal na droga na siyang pokus ng PNP batay sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Simula Hulyo 1, 2016 hanggang Agosto 8 ng kasalukuyang taon, 25 ang namatay na mga taong sangkot sa iligal na droga na nanlaban sa mga pulis habang isinasagawa ang operasyon laban sa kanila, banggit ni Senior Supt. Mendoza.
Umabot naman sa 1,696 katao ang nadakip at 19,237 ang kabuuang sumuko.
Nilinaw ni Mendoza na ang Philippine Drug Enforcement Agency, PNP – Camp Crame, at distrito ang nakapokus sa high –value – targets tulad ng P6.4 bilyong shabu, samantalang ang mga istasyon ng pulis tulad ng PNP – Valenzuela City ay nakikipag-ugnayan at tulungan bilang “support unit” para sa ikatatagumpay ng operasyon ng PDEA at PNP laban sa salot na iligal na droga.
Ang Valenzuela ay sikat na sikat sa shabu lab simula pa noong si Senador Sherwin Gatchalian ang alkalde kahit labing-apat na taon na ang nakalilipas, at hanggang ngayong si Rex Gatchalian na ang alkalde ay palaging pinagpipiyestahan sa media kung may nadidiskubreng laboratoryo ng shabu o bodegang taguan sa lugar.
Ang ganitong sitwasyon ay tanggap na ni Mendoza dahil aminado naman siyang napakaraming bodega sa Valenzuela.
Ang mahalaga kay Mendoza ay ginagampanan niya ang trabaho at misyong ipinagkatiwala sa kanya ni Director General Ronald dela Rosa. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA
