MALIMIT kaming magkausap sa cellphone ni katoto at kasama sa hanapbuhay na si Cris Ibon na ang isang supling na lalaki ay aking inaanak sa kumpil.
Ugaling-ugali ni Pareng Cris na mag-text muna – na kukunin ang aking permiso – bago siya tumawag para kami’y magkausap.
Pero iba ang nangyari nang ako’y tawagan noong Miyerkules (Agosto 9) ng gabi kaya ako’y nagtaka na parang nakadama ako ng pagkabahala.
Tama nga ang aking naramdaman dahil ang unang bungad sa akin ay “Pareng Bong nabaril ako, ganundin ang driver ko.”
Imbes na mabahala, pakiwari ko’y nanaig pa rin ang kanyang angking katapangan, isang bagay na hinahangaan ko kay pareng Cris.
Thank God dahil habang sinusulat natin ito ay nakatanggap tayo ng ulat na ligtas na ang hard-hitting columnist mula Batangas City.
Samantala, kinondena na ng National Press Club sa pangunguna ni Pangulong Paul Gutierez ang pamamaril kay Pareng Cris.
Nakikipag-uganayan na rin ang kapatid sa media na si Usec. Joel Egco ng DILG sa PNP para mahuli ang nagtangka sa buhay ng kolumnista.
Ang attempt sa buhay ni Pareng Cris ay hamon sa kakayanan ni Batangas PD Randy Peralta at Region 4A Director Mao Aplasca.
Isa lang ang suspetsa natin na bumira kay Pareng Cris at ito’y walang iba kundi ang mga iligalista o illegal gambling operators diyan sa lalawigan.
Maaari ring mga pulis na patong sa sugalan ang naatasan ng GLs na trabahuhin ang kolumnista dahil balakid ito sa kanilang operasyon.
Sa kanya kasing kolum, walang takot na binibira ni Pareng Cris ang operasyon ng lahat ng uri ng sugalan, partikular ang STL-con-jueteng.
Ngayon dapat malaman ni Gen. Aplasca at Col. Peralta na kailangan nilang ma-solve ang Ibon shooting para maabsuwelto sila sa kanilang pagiging pabaya.
Dahil sa totoo lang, kung ‘di pinapayagan ng awtoridad ang sugalan, walang maisusulat si Pareng Cris at ‘di siya mababaril.
Kaya ngayon, ang sigaw ng pamilya, kaanak, kaibigan at ang NPC, hulihin nina Gen. Aplsca at Col. Peralta ang mga nais magligpit kay Cris Ibon.
Abangan natin ang aksyon ni heneral at kernel. CHOKEPOINT/BONG PADUA
