SIGURADONG wawakasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang nagaganap na korapsyon sa Bureau of Customs (BOC) sa pamamagitan ng pagsibak at pagpapakulong sa mga taong nasasangkot sa katiwaliaan sa naturang kawanihan.
Kamakailan lang ay muli na namang nasangkot sa alegasyon ng katiwalian ang BOC nang kahina-hinalang mailabas ang bilyong halaga ng ipinagbabawal na gamot na nanggaling sa China at nakuha sa bodega sa Valenzuela City.
Isang impormante umano ang nagsabi sa National Bureau of Investigation tungkol sa bilyong halaga ng shabu kaya’t agad na nagsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska sa ipinagbabawal na droga.
Nagkaroon ng turuan sa BOC kung paano nakalabas ang ganung kalaking iligal na transaksiyon at ngayon ay dumaraan ito sa imbestigasyon ng mababang kapulungan ng kongreso at sakaling mapatunayan kung sino ang may sala ay tiyak na tatanggalin ito sa tungkulin at sasampahan ng kaukulang kaso na naayon sa batas.
Bago pa man naging pangulo ng bansa si Duterte ay talamak na ang katiwalian sa BOC kaya’t nang maupo si Digong noong nakalipas na taon ay tiniyak nito na uubusin niya ang mga tiwali sa lahat ng ahensya ng gobyerno.
Bagama’t hindi pa napapatunayan sa isinasagawang imbestigasyon kung sino ang mga may sala sa paglabas ng iligal na droga sa BOC ay tiyak na nangangatog na ang tumbong nito dahil sa mga posibilidad na maaari nitong kasadlakan.
Malaking pera rin ang nawawala sa kaban ng bayan dahil na rin sa kapabayaan ng mga taong nauupo sa BOC kaya’t panahon na upang igawad ni Duterte ang nararapat sa kanilang mga maling gawain.
Nakapagtataka rin na bakit hindi natunugan ng mga tauhan ng BOC na may nakapasok na malaking “shipment” ng iligal na droga sa bansa at ayon pa sa impormante, ito ay dahil sa sinasabing “lagayan” sa naturang kawanihan.
Kapag natapos na ang isinasagawang imbestigasyon ay tiyak na may mga taong sangkot sa katiwalian na mapupunta sa kulungan at iyan ang hinihintay ng taumbayan na sawang-sawa na sa korapsyon.
Ngayon pa lang siguro ay dapat nang magbalot-balot ng kanilang mga gamit ang mga taong sangkot sa katiwalian sa BOC dahil siguradong pupulutin sila sa “kangkungan” kapag napatunayan ang kanilang mga kasanalan. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
