SINIBAK na ni Pangulong Duterte sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) si Martin Diño bilang chairman ng ahensiya.
E kasi, napatunayan ni Duterte na mas “magulo pa raw sa bulbol” ang direksyon ng pagpapatakbo ni Diño sa SBMA.
Ang gusto ni Diño, siya lang ang nasusunod. Wala siyang pakialam sa SMBA board.
Nakalimutan niya na kahit sa barangay mayroon kang mga kagawad na dapat mong irespeto ang mga suhestyon at panukala sa ikagaganda ng takbo ng inyong lugar.
Alam niya ito dapat dahil dati siyang chairman ng barangay. Pero sadya yatang hindi niya alam ang kanyang trabaho. Akala, porke “malakas” siya kay Digong ay untouchable na siya.
Kaya tuloy, ibinigay na lang ni Duterte sa kasalukuyang administrador ang chairmanship ng SBMA…para walang gulo. Ngayon, nalaman niya na hindi siya, kundi ang Pangulo pa rin ang masusunod.
Sa susunod, basahin at pag-aralan muna niya ang kwento ng isang langaw na nakapatong sa kalabaw. Dito ay marami siyang matutunang aral kung paano magpakumbaba.
***
At isang araw matapos sibakin, nagpatawag si Diño ng press conference, kasama ang Volunteers Against Crime and Corruption. Naging opisyal din kasi siya ng VACC mga suki.
Wala namang kaalam-alam ang VACC sa katotohanan kung bakit siya sinibak ng Pangulo.
Take note ha, si Pangulong Duterte mismo ang nagsibak sa kanya at hindi kung sino-sino. Walang power play, walang nag-ops gaya ng kanyang ipinakakalat.
Nakita marahil ng Pangulo ang paglaki ng kanyang ulo, ang pagmamayabang. Kasi nga’y lagi niyang ipinagmamalaki sa bawat taong nakakasalamuha na kundi raw sa kanya ay hindi magiging Pangulo ng bansa si Duterte. Naku ha!
***
Sa press conference, sinabi ni Diño na kaya siguro siya inalis ni Duterte sa SBMA ay para ilagay siya sa DILG bilang pinuno ng barangay affairs. Nakikita raw siguro ni Digong na dito siya mas epektibo.
Dalawang buwan na raw ang nakalipas nu’ng ialok sa kanya ang posisyon. E bakit hindi niya agadha? Dahil ba mas masarap ang buhay niya sa SBMA?
Nang sibakin siya sa SBMA, sinasabi niya ngayon na tinatanggap na niya ang alok ng Pangulo na posisyon sa DILG. E ‘di wow! Porke wala na siyang puwesto?
Pero fake news pala ang anunsiyo ni Diño. Nilinaw ng Malacañang na walang posisyon na iniaalok sa kanya si Duterte. Hihihi!
Kinoryente niya ang media na dumalo sa presscon. At kinokoryente ni Diño ang sarili na may ibibigay pang posisyon sa kanya ang Pangulo. Hihihi! KANTO’T SULOK/NATS TABOY