SA totoo lang, nakatatakot na ang manood sa mga concert.
Tingnan naman ninyo, 50 ang namatay habang nasa 200 ang nasugatan sa masaker sa Mandalay Bay Resort and Casino sa Las Vegas sa Amerika.
Ang Mandalay Bay Resort and Casino ay kulang-kulang sa dalawang kilometro ang layo sa MGM arena na lugar ng labanan nina Sen. Manny Pacquiao at Floyd Maywether.
Nasa anim na minuto lang na lakaran.
Eh, kung nagkataon na may laban si Sen. Manny doon, malamang na pipiliin mo ang matulog at maglaro o manood ng mga nagka-casino o lalangoy-langoy ka sa resort.
Paano kung may mamamaril gaya ng nangyari nitong nagdaang araw sa Mandalay Bay?
PINOY ANG PINAKAMARAMI
Kung tatanungin mo ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa Mandalay Bay strip na pinangyarihan ng masaker, sila ang pinakamalaking grupo ng mga tinatawag doon na minority.
Halo-halo ang mga Pinoy sa lugar na ito bilang mga hotel manager o attendants, fast food crew, kasambahay, negosyante, medical professional, sugarol at marami pang iba.
Kaya nga, kung may mangyari, ang babantayan mo ay kung may nadamay na Pinoy.
FIL-AM NADAMAY
Sa awa ng Diyos, isa lang ang nadamay sa pamamaril na si Filipino-American Arthur Andrade.
Natamaan siya sa tiyan ng bala mula sa baril ng suspek na si Stephen Paddock.
May nadamay ring Filipino-Australian sa pangyayari at walang iba kundi ang sinasabing live-in partner ni Paddock na si Marilou Dansel.
Pinakawalan ng pulisya si Dansel nang malamang wala itong kinalaman sa krimen ni Paddock
KONSYERTO SA PARIS
Sa Bataclan theatre sa Paris, France naman, 89 katao ang napatay at nasa 99 naman ang nasugatan na atakehin ng terorista ang konsyerto.
Katulad ng ginawa ng praning na Kano sa Las Vegas, gumamit ang mga terorista ng high powered firearm na automatic.
Pero may isinabay ang mga terorista na pag-atake sa iba’ibang bahagi ng Paris sa mga oras na iyon na ikinamatay ng kabuuang 130 katao.
Ang kamatayan, siyempre ay hindi lang sa bala.
May mga namatay rin sa stampede o pagragasa ng mga tao sa mga lugar na ang alam niila ay ligtas sa kamay ng mga mamamatay-tao.
NASWERTE SA PINAS
Marami ring konsyerto ang ginagawa sa mahal kong Pinas ngunit nagpapasalamat tayo at wala pang inaatake sa mga ito ng mga praning at terorista.
Kahit na maraming praning at terorista sa Pinas. At pinasasalamatan natin ang mga paggugwardiya ng ating mga pulis at militar.
Maganda kasi ang gawa ng ating mga pulis at militar.
Daan-daan o libo ang idinedeploy ng puwersa ng mga ito sa labas at loob ng mga lugar ng konsyerto at may mga patrol pa sa mga daanan ng mga tao papunta at paalis sa mga lugar ng konsyerto.
Pinapatay rin ang mga linya ng cellphone at telepono para hindi makagamit ng mga bomba ang mga praning at terorista.
LIGTAS ANG PINAS
Isa sa mga pinabantayan nang husto ang ginawang Miss Universe Contest kamakailan.
Lahat ng mga lugar ng mga kandidata at mga alalay ng mga ito ay bantay-sarado ng mga pulis at sundalo.
Kung iisipin, katumbas ito ng mga konsyerto na dinaragsa ng mga Pinoy.
Daan-daan o libo-libo katao ang mga dumadalo.
Marami rin tayong mga kongsyerto na lokal ang mga artist. At sa awa ni Bathala, wala pa namang nangyayari.
Sana magpatuloy ang kalagayan nating ito.
Meron din pero… Ang totoo, may mga pangyayaring hindi naman talaga nabantayan nang todo.
Halimbawa ang Luneta masaker na pulis ang may gawa dahil sa pagkakaso sa kanya sa Ombudsman sa umano’y nagawa nitong krimen.
Sabi ng pulis nagmasaker ng mga taga-Hong Kong na turista, pinahirapan lamang siya ng Ombudsman sa kasong mariin niyang itinanggi.
Siyempre pa, may masaker din mismo na naganap gaya ng Maguindanao masaker na ikinamatay ng 58 katao.
Pero ang Luneta massacre at Maguindanao massacre ay ating nalagpasan.
LIGTAS SA KABUUAN
Ang maipagmamalaki natin, nasosolb natin ang mga masaker na may takot ang mga may gawa.
‘Yung may gawa ng Maguindanao massacre, na-martial law at nililitis ang mga buhayh sa kulungan.
Todas din ang gumawa ng Luneta massacre.
Delikado ang massacre man sa mahal kong Pinas.
oOo
Anomang reklamo o puna, mangyaring i-text lamang po sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
