DAPAT lang na mabigyan ng kaukulang kredito ang liderato ni Navotas City Mayor John Rey Tiangco. Bago pa lang kasi umupo ito bilang alkalde noong 2010, halos nasa P400M lang ang revenue ng lungsod tapos ngayon ay halos nasa P1B na!
Ating napag-alaman na mahigit dalawang dekada nang hindi naa-update ng lungsod ang tax assessment, lalo na sa real property kaya kung tutuusin ay mas lolobo pa ang revenue nito. Pero sa kabila nito, mas lumaki ang koleksyon sa buwis at pera ng Navotas.
“Malaki ang ating pasasalamat sa ating mga mamamayan, investor at kompanya kasi maayos silang nagbabayad ng kanilang buwis. Palibhasa, nakikita at nararamdaman nila kung saan napupunta ang kanilang ibinabayad at lahat ng ito ay para sa mga programa at proyekto ng lokal na pamahalaan para sa kanila,” ani Mayor Tiangco.
PAGLAWAK NG LUNGSOD ISINUSULONG NI TIANGCO
Pangarap ni Mayor Tiangco na mangyari o masimulan man lang sa ilalim ng kanyang panunungkulan ang malawakang reclamation project na matagal na ring isinusulong kahit noong panahon pa ni dating alkalde at ngayo’y Cong. Toby Tiangco na dapat ay naisakatuparan na rin kaya lang inabot ng pagtatapos ng kanyang termino.
“Malaking bagay ito para sa lungsod at sa ating mamamayan. Kasi kung maisasagawa ang reclamation ay lalawak pa ang lupain nito upang maging commercial area at mapagtatayuan pa ng mga pasilidad ng lungsod at tiyak na mas marami ang magkakaroon ng trabaho,” ayon kay Mayor John Rey. Subalit aminado ang alkalde na hindi madaling maisakatuparan ang proyekto dahil kailangan ang kooperasyon ng lahat lalo na ang pamahalaang nasyunal.
CALOOCAN – CITY OF FIRE TREES
Ginawang routine ni Mayor Oca Malapitan ang pagtatanim ng fire trees sa iba’t ibang barangay ng lungsod. Halos araw-araw upang makumpleto ang kanyang misyon na magkaroon ng 20,000 fire trees ang kalunsuran.
Kamakailan lang ay isinagawa ang tree planting activity sa Barangay 167, kung saan lumahok dito ang mga kawani ng pamahalaang lungsod, mga opisyal ng barangay at homeowners’ association members.
GUSTO NI MAYOR OCA…HAPPY ANG PAMILYA
Isinagawa kamakailan ang Family Day ng Day Care Centers ng North Caloocan sa Glorieta Ampitheater na punompuno ng kasiyahan at mga papremyo.
Ayon kay Mayor Oca, isa itong pagkakataon na magkaroon ng “bonding moments” ang mga magulang at anak sa isang masayang lugar na punom-puno ng masasayang palabas at palaro.
Tinampukan ang Family Day ng magic show, acrobatic exhibition, sayawan at mga parlor games. GOOD RIDDANCE/ARLIE CALALO

