ABOT-KAMAY na ang tuluyang pagsalba sa Marawi City mula sa mga kamay ng teroristang rebelde.
Napaliligiran ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines ang mga teroristang tagasunod ng Islamic State of Syria and Iraq (ISIS) na naglulungga sa dalawang barangay gamit ang dalawa pang moske.
Sinisiguro lamang ng militar na hindi na madaragdagan ang mga nasawing sibilyan partikular na ang mga bihag na nananatili sa kuta ng Maute Group.
Marami nang hostages ang matagumpay na nailigtas ng mga tropa ng gobyerno.
Binabati natin ang pamunuan at kasundaluhan ng Sandatahang Lakas, pati na ang mga kagawad ng Philippine National Police, na buong-katapatan na tumupad sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Sinasaluduhan natin ang kagitingan at kabayanihan ng mga kawal at pulis na nagbuwis ng kanilang mga buhay sa pakikipaglaban.
Karapat-dapat lamang na sila ay parangalan at ibigay sa kanilang mga naulila na mahal sa buhay ang lahat ng suporta ng pamahalaan.
Nagtitiwala tayo na hindi sila bibiguin ni Pangulong Duterte na nagpakita ng todong-suporta at pakikiisa sa mga sundalo sa war zone.
Naniniwala ako na wawakasan ng AFP ang kademonyohan ng Maute Group na naghasik ng lagim sa komunidad ng mga kababayan nating Muslim.
Sa pagtatapos ng madugong pakikipaglaban para sa kalayaan ng Marawi City ay uusbong ang pag-asa ng bagong buhay at bagong simulain sa naturang lungsod.
Karamay nila ang Sambayanang Filipino sa muling pagbangon.
***
Matutunghayan po ang inyong lingkod 12noon-2pm sa Radyo Pilipinas, 738AM band at 6pm-7pm sa PTV4 News, Lunes-Biyernes. Mapanonood ang mga naturang programa sa aking Facebook sa Erwin Tulfo Live @erwintulforeal. Maraming salamat sa inyong lahat. DEADSHOT/ERWIN TULFO
