NGAYON napatutunayan na may mga baluktot na pag-unawa sa batas at Konstitusyon si dating Senador Leila de Lima.
Batay ito sa dalawang desisyon na ginawa ng Supreme Court en banc nitong nagdaang mga araw lamang laban sa kanya.
Batay rin sa dalawang desisyon, masasabing magiging kwestiyunable ang parangal na ibinigay ng mga dayuhan sa kanya bilang “human rights fighter.”
LABAG SA KONSTITUSYON
Sinabi ng SC sa unanimous desicion na labag sa Konstitusyong 1987 ang pagharang ni De Lima noong 2011 kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na nagnais na lumabas ng bansa upang magpagamot sa kanyang sakit.
Ginamit ni De Lima laban kay Arroyo at asawa nitong si Mike at iba pang dating opisyal ni Arroyo ang Department of Justice Circular No. 41 na inisyu ng naunang Justice Secretary na si Alberto Agra na naglalaman ng kapangyarihan ng DOJ na mag-isyu ng Hold Departure Order (HDO), Watchlist Order (WLO) at Allow Departure Order (ADO).
Nauna nang pinigilan si De Lima na pairalin ang nasabing circular sa bisa ng Temporary Restraining Order na inisyu ng 9 Hukom ng SC subalit hindi sumunod si De Lima at hindi na nga nakaalis ng bansa sina Arroyo.
Ayon sa SC, labag sa Konstitusyon ang circular dahil pinipigilan nito ang mamamayan na malayang maglakbay, kahit sa labas ng bansa.
Pupwede lamang na pigilan sa paglalakbay ang sinomang mamamayan kung sangkot na rito ang pambansang seguridad, kaligtasan ng publiko o kalusugan ng publiko.
Wala ni isa umano sa mga batayang ito ang ginamit ni De Lima upang pigilan sina Arroyo na maglakbay palabas ng bansa at wala ring batayan mismo sa Konstitusyon ang circular.
HUKUMAN HINDI DOJ
Diin pa ng SC, tanging ang hukuman lang hindi ang DOJ ang may kapangyarihan na mag-isyu ng HDO, WLO at ADO.
Nilabag din umano ni De Lima ang separation of powers na ginagarantiyahan ng Konstitusyon dahil binalewala nito ang kautusan ng SC para sa TRO pabor kina Arroyo.
Ayon sa Konstitusyon, magkapantay bagama’t hiwalay ang kapangyarihan ng Hudikatura at ng Ehekutibo na kinabibilalangan noon ni De Lima.
MANATILI SA KULUNGAN
Hanggang sa huli, sinasabi ni De Lima na pulitika lang ang dahilan ng kanyang pagkakakulong sa Camp Crame ngayon at gawa-gawa lang ang bintang sa kanya na sangkot siya sa droga.
Pulitika lang at gawa-gawa dahil kritiko umano siya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil dito, hinihiling niya sa SC na palayain na siya, lalo’t wala ring hurisdiksyon sa kanya ang DOJ bilang tagausig at Regional Trial Court bilang tagalitis ng kanyang kaso.
Ang may kapangyarihan lang umano na umusig sa kanya dahil mataas siyang opisyal noong siya’y nagkakaso ay ang Office of the Ombudsman at ang maglilitis sa kanya ay ang Sandiganbayan.
SINOPLA NG SC
Sinopla ng SC ang katwiran ni De Lima sa pagsasabing sakop siya ng DOJ bilang prosecutor at RTC bilang tagalitis dahil kasong droga ang kinahaharap nito.
Pero sa ulat na dumating sa atin, hindi kinatigan si De Lima ng siyam na Hukom na sina Associate Justices Presbitero Velasco Jr, Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Mariano Del Castillo, Samuel Martires, Noel Tijam, Andres Reyes and Alexander Gesmundo.
Sinabi ng mga ito na may hurisdiksyon ang Muntinlupa Trial Court na na litisin si De Lima at hindi ng Sandiganbayan at kung ganoon, ang DOJ ang magsisilbing prosecutor na rin.
Nauna nang nagkaroon ng katulad na desisyon ang SC noong Oktubre 10, 2011.
PINANIWALAAN NG MGA DAYUHAN
Pinaniwalaan ng mga dayuhan ang mga pinagsasasabi ni De Lima na biktima lang siya ng pamumulitika ni Duterte kaya isa siyang political prisoner.
Dahil fighter umano siya para sa human rights at ito ang dahilan kung bakit siya nakakulong ngayon, ginawaran siya ng Liberal International ng Prize for Freedom na “highest human rights honor.”
Ang tanong ngayon: Ipagpipilitan ba ng mga dayuhan o mismong si De Lima at mga kapanalig niya na tama si De Lima sa harap ng mismong mga desisyon ng ating mga kagalang-galang na Hukom ng SC?
Sa kaso nina Arroyo, lumabas na matinding human rights violator si De Lima kung nasa kapangyarihan siya at violator pa siya ng Konstitusyon na sinasabi niyang kanyang ipinaglalaban.
Sa kaso naman sa droga, lumalabas na gustong iligaw ni De Lima ang SC sa tamang daan tungo sa katarungan sa pagkakasangkot niya sa droga.
Ano ngayon ang masasabi ng mga kritikong dayuhan, kabilang sina Giacomo Filibeck, deputy secretary-general of the Party of European Socialists at Australian nun na si Sister Patricia Fox, maging ang Human Rights Commission ng Pilipinas at ng United Nations sa mga pangyayaring ito? ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA