ITULOY natin ang talakayan ukol sa pangangailangan nang magpatupad ng insurance coverage sa mga tsuper, operator o pasahero ng mga tricycle.
Mahalaga ito dahil na rin sa sunod-sunod na disgrasya na inaabot ng mga nabanggit na tao na sakay ng tricycle na isang uri ng public transportation sa bansa.
Sa Quezon City ay suportado ito ni Vice Mayor Joy Belmonte at bumalangkas na ng panukalang ordinansa si Councilor Toto Medalla, ang Vice Chairman ng QC Council Committee on Transportation.
Si Coun. Marge Martin Chan ng Tuguegarao City naman ay open din sa idea na ito, lalo at may 20 thousand tricycle ang siyudad niya.
Iniutos na rin ni Mayor Jopet Inton ng Bataan ang pag-aaral ng panukalang ito para sa kanyang nasasakupan.
Bagama’t hindi na sakop ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang mga tricycle ay sinusuportahan din ni LTFRB Regional Director Ahmed Cuison ang panukalang ito at isinusulong niya ito sa Cebu.
Alam ng mga kawani ng LTFRB ang kahalagahan ng passenger personal accident insurance dahil ang lahat ng pampublikong sasakyan ay required na kumuha nito.
Sa Kamara, nasa Committee on Transportation na ang panukala.
Naniniwala ako na sa mga darating na araw ay magkakaroon na rin ito ng kaganapan.
Ito ay para sa kapakanan ng mga pasahero, driver at operator ng mga tricycle.
Sa aming mga reader at follower, humihingi po kami ng tulong ninyo na maipaglaban ito sa inyong LGU sa pamamagitan ng panawagan sa mga lider ng inyong lokal na pamahalaan.
Lalo na kung halos araw-araw rin kayong sumasakay ng tricycle.
Maraming salamat sa patuloy ninyong suporta. SIBOL/ATTY. ARIEL INTON

