AYOS na ang kalagayan ng mga overseas Filipino worker sa Kuwait.
Pero dapat na bantayan pa rin ang lahat ng nagaganap na maganda pangyayari.
Marami kasing halong bagay na hindi basta mahawakan kahit anong gawin mo.
Ang mahalaga, may napasimulan na na kung paiiralin lang ay ikagiginhawa ng mga OFW.
MAGANDANG BALITA
Unang magandang balita ang pagpapalaya sa apat na Pinoy driver na kinulong dahil sa pag-drive nila ng mga sasakyang pinang-rescue sa tumatakas na OFW sa kanilang mga amo.
Hinuli ang mga driver, mga Bro, saka sila kinasuhan ng kidnapping ng mga Kuwaiti police.
Saan nga naman pupunta ang kaso kung ang sinasabing kinidnap, eh, talagang tumatakas sa mga amo nilang nang-aapi’t nang-aalipin sa kanila.
Ang isa pang magandang balita, nasa 150 na distressed OFW ang iuuwi ng mga kinatawan ng pamahalaang Duterte.
Sana makasama na rin sa pag-uwi sa Pinas ang nasabing mga driver at tatlong diplomat na hindi makaalis sa Kuwait dahil may warrant of arrest laban sa kanila dahil sa rescue operations sa distressed OFWs.
Bale nasa 600 ang kabuuang huling bilang na iuuwi sa Pinas, bukod lang ang mga may kinakaharapa na kaso.
MAGANDANG BALITA PA
Pipirmahan na ang Memorandum of Understanding na naglalaman ng mga tiyak na karapatan ng mga OFW at obligasyon ng mga employer.
Siyempre pa, obligasyon ng Kuwait government na pairalin ito at bigyan na rin ng edukasyon ukol dito ang lahat ng mga employer sa Kuwait.
Alalahanin na hindi lang mga Kuwaiti ang employer ng mga OFW.
May mga dayuhan din gaya ng pumatay kay Joana Demafelis.
Lebanese national ang lalaki at Syrian naman ang babae na naging amo ni Joana.
Matapos itong patayin at ilagay sa freezer, nagsibalikan sa kani-kanilang bansa ang mga amo at ngayo’y hirap tayong habulin sila.
ANG KARAPATAN
Kabilang sa mga karapatan ng mga OFW ang hindi na makumpiskahan ng pasaporte gaya ng sa ilalim ng Kafala system.
Sa halip, idedeposito na lang ang pasaporte sa Philippine Embassy at mabigyan na lang ang mga OFW ng karampatang papeles na nagpapatunay na sila’y employed sa partikular na employer.
Sa Kafala system, kinukuha ng amo ang pasaporte at itinuturing nang pag-aari ng amo ang dayuhang kasambahay.
May kakambal na sistema ito na halos ituring na alipin at parausan sa sex ang isang kasambahay.
Ang mga sistemang ito ang inaabuso ng mga employer.
Tingnan ninyo, may 200 na namatay sa pang-aalipin at pang-aabuso sa nakalipas na dalawng taong lamang at halos 6,000 ang biktima naman ng rape at sexual harassment sa Kuwait.
Itong mga biktima ng rape, mga Bro, ay kulang dahil marami ang ayaw magkwento dahil pinoprotektahan nila ang kanilang dangal at para hindi mawasak ang pamilya nila, lalo na ang mga may-asawa, pagbalik nila sa mahal kong Pinas.
IBA PANG KARAPATAN
Nakalagay na rin sa MOU ang sapat na pahinga ng mga OFW at sapat na pagkain.
Lilikha rin ang Kuwait ng special police na magiging katuwang ng mga awtoridad ng Pilipinas sa pag-asiste sa mga distressed OFW.
Magkakaroon din ng 24-hour hotline sa telepono sa pagitan ng mga Kuwaiti police at mga awtoridad ng Filipino, at marahil ang OFW na rin.
Magkakaroon din ng karapatan ng mga OFW na gumamit ng telepono para sa mahahalagang pangangailangan nila at laban sa pang-aalipin at pang-aabuso sa kanila.
Hindi naman malinaw kung ang inilalakad nating minimum na 400 dolyar na sahod ay mahigit na pinaiiral o hindi.
MAKAHIHINGA
Ngayon ay makahihinga na ng maluwag ang mga pamilya ng mga OFW na nasa Kuwait at maaaring pupunta roon.
Pero hindi madaling baguhin ang kultura, mga Bro.
Ang kultura ng pang-aabuso at pang-aalipin.
Libong taon na ang kulturang ito at minana nang minana ng mga tao ngayon.
Matagal bago malalim na papasok sa isipan ng mga employer ang pag-iral ng MOU.
Makararanas at makaririnig pa rin tayo ng mga pagpatay, pang-aabuso at rape.
Kaya naman, ang pagbabantay ay mahalaga.
Magbantay ang mga OFW, ang mga nasa embahada, konsulado at labor attache.
Dapat ding magbantay ang mga pamilya OFW at kasama sa mga dapat nilang bantayan ang mga pabayang taga-embahada, konsulado, labor attache, Goreign Affairs Department at Overseas Workers Welfare Administration.
KASAMBAHAY?
Kahit tapos na ang MOU, hindi kaagad-agad na maalis ang deployment ban ng mga OFW, lalo na ang mga kasambahay na kababaihan.
Sapagkat sila ang bumubuo ng higit na nakararami ng pinatay, ni-rape at inabuso.
Ang pangunahing ilalakad na papuntang Kuwait ay ang mga skilled worker at professional. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
