DAHIL sa hindi pagpapabaya ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagbibigay ng suporta sa kanyang Team PNoy, nagwagi ang team nito sa senatorial race laban sa United Nationalist Alliance (UNA).
Halos siyam sa miyembro ng Team Pnoy na tumatakbo sa ilalim ng Liberal Party ang pumasok sa magic 12 bagaman wala pang pormal na proklamasyon mula sa Commission on Elections.
Gayunman, hindi naman dapat ituring na ang panalo ng mga inilaban ng administrasyon sa senatorial race ay para sa kani-lang pansarili sapagkat dapat isipin ng mga ito (senador) na pinagkatiwalaan lang sila ng mga mamamayan at hindi sila dapat umabuso sa kapangyarihan.
Hindi dapat lumaki ang ulo ng mga ito at maging hambog na akala mo’y kung sino na hindi na puwedeng masaling lalo na ng mga mamamahayag sa kanilang panulat dahil utang pa rin nila sa mga botante ang kanilang kinalalagyan sa kasalukuyan.
Ngayon pa lang ay dapat nang isaisip ng mga nanalong senador ang kanilang mga plataporma de gobyerno na ipinangako sa mga botante na tumaya ng kinabukasan ng bayan at ng mga susunod na salinlahi.
Hindi dapat magpatumpik-tumpik ang mga nanalong mambabatas sa pagbibigay serbisyo sa mga mama-mayan na kanilang pinangakuan ng kasaganaan kapag sila ang naluklok sa puwesto.
Nawa’y ang panalo nila ang magdala sa kanila sa mas lalong pagpupursige sa pagbibigay ng magandang bukas sa ating bayan at mga mamamayan.
Halimbawa mas lalo nilang isaayos ang mga batas hinggil sa pagbibigay ng hanapbuhay, edukasyon at kapayapaan sa mga tao.
Ito ay isang paraan na magpapatunay na totoo ang hangarin ng mga tumakbong senador.
Hindi puwedeng hihintayin na lang ng mga ito na matapos ang kanilang termino at muli na namang mangangako sa kanilang muling pagtakbo.
Kapag ganito ang kanilang ginawa, hindi na sila muling pagkakatiwalaan ng mga botante.
Pero naniniwala ako na ang Team PNoy ni Pangulong Noynoy ay tiyak na gagalaw upang ibigay ang kanilang mga ipinangako sa mga mamamayan sapagkat tiyak naming bukod sa kaagapay sila ni Aquino sa pagtahak sa “tuwid na daan” ay pawang desidido sila sa pagtupad sa kanilang mga binitiwang salita.
Kaya naman ang taumbayan, dapat bantayan ang mga nanalo sa unang araw pa lang ng kanilang pag-upo sa puwesto.
