KUNG sa palagay ng mga nanalo sa halalan ay okey na ang lahat makaraan silang maiproklama, nagkakamali sila.
Ito’y dahil sa santambak na problema ng lipunan na kanilang madaratnan.
Dito makikita kung tunay silang karapat-dapat o hindi bilang mga lingkod-bayan.
NAGUGUTOM DUMARAMI
Ayon sa Social Weather Station, dumarami ang nagsasabi na sila’y naghihirap at nagugutom.
Kinumpirma ito kamakailan ng National Economic Development Authority at National Statistical Coordination Board.
Inaaway pa nga ng pamahalaan ang survey ng SWS.
At nagkaroon din ng tampuhan ang pamahalaan, NEDA at NSCB sa usaping ito.
Hindi naniniwala ang pamahalaan sa resulta ng survey.
Lalo’t sunod-sunod umano ang papuri ng mga dayuhan sa pag-unlad ng mahal kong Pinas.
SIBAKAN SA NEDA AT NSCB
Sabi ng gobyerno, hindi mapagkakatiwalaan ang survey ng SWS at tanging sa ulat ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan ito bumabatay.
Nang magsalita na ang NEDA at NSCB, tahasang sinasabi ng gobyerno na may mali sa pahayag ng mga ahensyang ito.
Wala sa kumpas ang NEDA at NSCB lalo’t nalalapit ang halalan nang magbukas ng bunganga ang mga ito.
May pahaging na baka magkasibakan sa mga opisina na ‘yan.
Kung mangyayari ang sibakan, baka kung saang kangkungan pupulutin ang mga gagawa niyan.
Sapagkat hindi na pupuwedeng bawiin ng mga nasabing ahensya ang kanilang mga iniluwang ulat.
Umabot na ang lahat sa mata at pandinig ng mamamayan.
Ito ang masakit na salita ng mamamayan.
Mag-abroad ka na lang kaysa umasa sa pamahalaan.
At alam ba ng mga nanalo sa halalang ito na ito ang pangkahalatang kaisipan ng mga mamamayan?
Mula sa mga magsasaka, obrero, vendor, propesyunal at iba pa ang mga salitang ito.
Sila ang bumubuo ng mahigit sa 40 milyong Filipino.
Sila ang tumitindig at bumubuhay sa nasa 80 porsiyento ng mamamayan.
Kaiba ang mga ito sa nasa 3-4 milyong empleyado ng pamahalaan mula sa nasyunal hanggang sa mga lokal na opisina.
Mismo ngang mga empleyado ng pamahalaan ay mas gusto pang mag-abroad kaysa manatili bilang mga public servant.
At isa itong malaking anomalya sa empleyo ng pamahalaan.
‘Yun bang === kabilang sa mga naghihirap at nagugutom ang nakararaming empleyado ng gobyerno.
MALAYANG-MALAYA
Isa pang kapansin-pansin ang pagbeybi ng pamahalaan sa mga dambuhalang kompanya, lokal
at dayuhan.
Masasabi nating isang napakalaking anomalya ang pagbeybi sa mga ito sa pagsiguro ng pamahalaan ng kita ng mga kompanya sa operasyon nila sa bansa.
Kapag nagtayo ng negosyo ang mga ito, ang dami nilang insentibo, kabilang na ang pagtiyak na hindi malulugi kundi kumita nang todo ang mga ito.
Klaro ito sa mga kompanyang petrolyo, kompanya sa superhighway, sa mga kompanya sa pagmimina, sa kuryente, sa tubig, sa telepono at iba pa.
Halos walang kompetisyon sa mga ito, bagkus, halatadong may kartel ang mga ito.
DEREGULATION
Hindi na kaila sa lahat na ang pagbeybi sa mga dambuhalang kompanya ay dinaraan sa maraming paraan, kabilang na ang deregulasyon.
May deregulasyon sa petrolyo, kuryente, tubig at iba pa.
Sa deregulasyon, malaya ang mga kompanya na gumawa ng gusto nila, halimbawa sa pagpepresyo ng kanilang mga produkto.
Klarong-klaro ito sa mga negosyong petrolyo, kuryente, telepono at iba pa.
At ang tanging magagawa umano ng gobyerno ay mag-monitor.
Pero, anak ng tokwa, kahit umaabuso na ang mga ito at nagkakandaletse-letse ang buhay-Pinoy, eh, walang ibang sasabihin ng gobyerno kundi wala itong magagawa.
KONTRAKTWAL
Isang salot sa lipunan ngayon ang kontraktwalisasyon.
Sa kontraktwalisasyon, mga Bro, wala nang permanenteng trabaho.
Lahat ay hanggang limang buwan lamang.
Sa parte naman ng pamahalaan, may umaabot ng hanggang isang taon lang, gaya ng mga nars.
Kabilang ba sa mga kontraktwal sa mga tinatawag ng pamahalaan na underemployed?
Ilang milyon na ba ang biktima ng kontraktwalisasyon?
Nakapanghihina ng loob ang sinasabi ng ilang gobernador.
Dumarami ang mga panlalawigang pamahalaan na nagsasabing halos puro kontraktuwal na lang ang mga obrero mula sa mga simpleng karpintero, mason hanggang sa mga propesyunal.
Ordinaryo na ring kuwento ang nakalulungkot na kalagaya ng mga ENDOC kung tawagin.
‘Yun bang === end of contract.
TAHIMIK
Sa iba’t ibang team sa halalan ngayon, tahimik ang mga ito kahit sa kanilang pangangampanya sa mga usaping ito?
Dadalhin ba nila ang kanilang pananahimik sa kanilang pag-upo?
Kung mangyari ‘yan, ngayon pa lang ay sinasabi na natin na hindi sila karapat-dapat.
Dapat sa una pa lang ay isinuka at hindi na sila ibinoto.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.
