KAHAPON ay pinuri natin si 4-A PNP Regional Director Benito Estipona dahil sa pagpapatigil nito sa mga pergalan sa buong Calabarzon.
Pero may bagong sakit na naman ng ulo si RD pagdating sa iligal na sugal.
Ito, parekoy, ang jueteng/lotteng na may codename na ROLY na ngayon ay namamayagpag sa San Pedro, San Pablo, Santa Rosa at Calamba City sa Laguna.
Ang nakalulungkot, isang aktibong kernel sa Region 4-A mis-mo ang itinuturong utak sa likod ng Roly.
Nais din nating ipaalam kay RD Estipona na si Col. Craft na siyang inginunguso sa nasabing gawain ay pumasok na sa Lipa City, Batangas kung saan ang maliliit na financer sa erya ay ginigipit na ng opisyal na ito.
Maganda sana, Gen. Estipona, sir, kung durugin ni Col. Craft ang mga santo-santo o lord-lordan na ‘yan.
Basta ba, eh, serbisyo ang tunay na dahilan.
Pero kung ginagawa ito dahil kakumpitensya ng kanyang “Roly”, hindi malayong maganap muli ang kontrobersyal na Quezon Massacre.
Inaasahan natin, parekoy, na itong si Col. Craft ang susunod na bubusisiin ni RD Estipona!
-o0o-
NANG magbadyang sumiklab ang gulo sa pagitan ng North at South Korea kung saan ang Amerika ay panig sa South, kaagad na nagpahayag ang Pinas ng kahandaan na ipagamit sa US forces ang ating mga pasilidad bilang pagtupad umano sa “RP-US Mutual Defense Treaty” dahil nakasaad sa nasabing kasunduan na obligadong umayuda ang bawat isa kung ang Pinas o Amerika at mga kaalyado nito ay nahaharap sa isang sigalot na panseguridad.
Sa totoo lang, isa tayo, parekoy, sa nangamba sa pakikisawsaw natin sa isyu ng Korean peninsula dahil wala naman talaga tayong kakayahan na makipagkurutan man lang sa ibang bansa! Huh!
Pero dahil nga sa lintek na “mutual defense treaty” na ‘yan ay obligado tayong umeksena sa hindi natin away.
Ang masakit, nang uminit ang relasyon natin sa Tsina dahil nga lantaran na tayong sinasakop ng mga hinayupak, aba eh, hindi man lang natin naramdaman ang epekto ng buwisit na treaty na ‘yan!
Katunayan, noong nakaraang taon ay nagpahayag pa si Angkol Sam na mananatili silang “neutral” sa usapin!
Bwaka ng inang treaty na ‘yan, parekoy, kung tayo pala ang tinitiris ng higanteng Tsina ay wala nang bisa ‘yan?
Ibasura ‘yang Mutual Defense Treaty!
Putulin na ang ating tanikala sa Amerika! Pwe!
The post COL. CRAFT SWAK SA SUGAL AT INUTIL NA “MUTUAL TREATY” appeared first on Remate.