ILANG araw pa lamang nang magsimula ang tag-ulan ay talaga namang abot-abot na ang pahirap nito sa publiko saan mang dako ng ‘Pinas.
Ito ang ating napatunayan lalo na sa Metro Manila dahil talaga namang kawawa at pasakit ang inaabot nating mga residente nitong mga nakalipas na araw dahil sa kapalpakan ng mga opisyales ng ating pamahalaan, lalo na ang mga nasa Metro Manila Development Authority at Department of Public Works and Highways.
Hindi natin pwedeng ipagkibit-balikat na lamang ang ating nararanasan ngayong panahong ito dahil isang oras lamang na umulan sa Metro ay talaga namang wala na tayong madaraanan na lansangan at ang lahat ay talaga namang lulusong at magtitiis na nang may ilang oras sa kalye.
Talaga bang puro papogi na lamang ang mga opisyal ng MMDA at DPWH dahil sa kanilang press releases ay ready na ang bansa, partikular na ang Metro Manila, sa baha pero kapag nariyan na ang unos ay nagtuturuan ang mga ito.
Nariyan iyong ituro ni MMDA boss Francis Tolentino ang DPWH dahil sa ginagawa raw nitong mga proyekto pero malinaw naman sa pahayag ni Sec. Rogelio Singson na nagawa na nila ang sinasabing problema na itinuturo ng MMDA na dahilan ng pagbaha.
Sa madaling salita, bukod sa kulang sa komunikasyon, kooperasyon ang dalawang pangunahing ahensiya ng gobyerno na in-charge sa Metro Manila ay talaga namang makikita kung anong klaseng lider ang mga ito.
Tatawagin natin silang “makapili” leaders dahil noong panahon ng Hapon ay talaga namang uso ang turuan at laglagan at mukhang may namana rito ang dalawang opisyal ni PNoy.
Tapos na ang kanilang sangkatutak na pulong o summit sa baha, nariyan na mag-abroad pa ang mga ito para tingnan umano ang solusyon ng ibang bansa sa baha pero ang tanong na-i-apply ba nila ito sa ating bayan.
Sangkatutak na ang praise releases at papoging interview nina Singson at Tolentino sa kanilang mga proyekto at plano pero hanggang ngayo’y binabaha pa rin ang bansa lalo’t higit ang MM at iyan ang dapat pag-isipan ni Pangulong Noynoy Aquino dahil mukhang sablay na ang dalawang opisyales niya na talaga namang pinagtitiisan na ng tao.
The post PUNO NG KAPALPAKAN ANG MMDA AT DPWH appeared first on Remate.
